TITO, VIC AND JOEY MAGPAPAALAM NA SA 'EAT BULAGA!'; PAGLIPAT SA TV5 "DONE DEAL NA"?

Malalaman sa mga susunod na araw ang katotohanan tungkol sa balitang iiwanan na nina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon ang Eat Bulaga! dahil magkakaroon na sila ng sariling noontime show sa TV5.

Isang network insider ang nagsabing, diumano, nakatakda nang magpaalam sina Tito, Vic & Joey sa Eat Bulaga! anumang araw sa linggong ito dahil lilipat na sila sa TV5 para sa kanilang programa.

Idinagdag ng network insider na "done deal" na ang negosasyon na nangyari kamakailan lamang.

Hindi man binanggit ng aming source kung sino ang producer ng bubuksang programa ng TVJ sa TV5, lumabas na noon ang balitang ang Brightlight Productions ni Bacolod City Mayor Albee Benitez ang magpoprodyus ng show ng TV icons.

Blocktimer sa TV5 ang Brightlight, na producer ng defunct noontime show na Tropang LOL.

Kumalat ang mga balita tungkol sa pag-alis sa Eat Bulaga! ng mga original host nang magsalita si Tito noong nakaraang buwan sa iba’t ibang mga news organization at kumpirmahin niyang may problema sa pagitan nila at sa management ng TAPE Inc., ang production company na pag-aari ni former House Representative Romeo Jalosjos.

Read: EXCLUSIVE Part 1: Tito Sotto drops bombs on those warring with 'Eat Bulaga!'

Nagpahiwatig na noon pa man si Tito ng posibilidad na paglipat nila nina Vic at Joey sa ibang television station.

Binanggit ito ni Tito sa eksklusibong panayam niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).

Bahagi ng pahayag niya nang tanungin kung posibleng lumipat sila sa ibang network: "That’s possible. That’s possible. As a matter of fact, I am not… well, how do I say it, I have no problem saying that we’re getting offers from two other stations."

Read: FULL TRANSCRIPT: Tito Sotto reveals untold details about internal issues in 'Eat Bulaga!'

Sa interbyu nina Julius Babao at Tintin Bersola, inilahad niyang bukas sila sa posibilidad na lumipat sa ibang television network kapag hindi naayos ng TAPE Inc. management ang sitwasyon.

"Kung hindi maiaayos yung kasalukuyang sitwasyon at hindi matutupad ang mga pinag-uusapan namin, e, malaki ang posibilidad niyan.

"At saka ang mangyayari, I have to be very blunt about this, ang kausap ko, hindi ko na sasabihin kung sino, ang kausap ko, ang nire-represent diyan sa usapan namin, TV5 at saka ABS as one group.

"Natutuwa din kami kasi we’ve been associated with Channel 9, Channel 2, Channel 7. Di ba, nakakatuwa, e. Parang may isa sa amin, hindi ko na sasabihin kung sino, parang natutuwa na puwede kaming mag-Channel 5.

"Ito lang daw ang programa na nakaapat na TV stations. Wala pang makaka-break ng record na ito," bahagi ng panayam kay Tito.

Bukod sa isyu ng paglipat ng mga original host ng Eat Bulaga!, kumakalat din ang balitang may malaking pagbabago sa Eat Bulaga! sa susunod na buwan kaya may mga naniniwalang maaaring mangyari bukas, May 31, ang pagpapaalam nina Tito, Vic, at Joey sa longest-running noontime show ng bansa.

2023-05-30T04:07:26Z dg43tfdfdgfd