STRUGGLING ACTOR, HAYOK NA HAYOK SA PUBLICITY

Sugapa ang Struggling Actor o SA sa atensiyon.

Pinatunayan niya nang magkita sila sa isang okasyon ng aktor, na dating karelasyon ng aktres na kanyang sinusuyo.

Nilapitan ng SA ang aktor at kinausap ito kung maaaring ipakilala sila ng event host bilang "ex at current lover ng aktres" kapag tinawag sila para umakyat sa entablado.

Hindi ikinatuwa ng ex-boyfriend ng aktres ang gustong mangyari ng SA kaya diretsahan niyang sinabi na hindi siya papayag magpagamit.

Kahit hiwalay na sila, may respeto pa rin daw siya sa dating girlfriend.

Walang nagawa si SA na napahiya dahil hindi nito inaasahan ang mga salitang narinig mula kay aktor.

Alam ng mga tao sa paligid ni SA ang hilig nito sa mga libreng publisidad kaya sila na mismo ang nagsasabi na kung anuman ngayon ang meron sa pagitan nila ng aktres na kanyang nililigawan, panandalian lamang ito dahil sa ugali niyang hindi kaaya-aya.

Hindi ito ang unang pagkakataong ipinakita ng SA ang pagkahayok sa publicity.

Ilang taon na ang nakalilipas, sinabi niya sa isang interbyu na siya ang boyfriend ng isang kontrobersiyal noong sexy actress.

Lantaran ang ginawang pagsisinungaling ni SA dahil hindi siya kilala ng sexy actress at lalong hindi pa sila nagkikita nang personal.

Pero nang magkaroon ng mall show ang sexy actress sa isang probinsya, biglang lumitaw si SA. Dahil kilala, pinagbigyan ng organizer ng programa ang kanyang kahilingan na umakyat sa stage para magpa-cute sa sexy actress.

Hindi naging komportable si sexy actress sa sitwasyon bilang nabasa niya ang kasinungalingang may relasyon sila na inihayag sa isang interbyu ni SA, na unwanted guest.

Masiba talaga sa atensiyon si SA, at gustung-gustong pinag-uusapan siya ng mga tao.

2023-05-29T12:07:15Z dg43tfdfdgfd