COMEDIENNE JELEEN CUBILLAS OPTIMISTIC ABOUT FUTURE OF STAND-UP COMEDY IN THE PHILIPPINES

Sapul sina Moira de la Torre at Jason Marvin Hernandez sa viral comedy showcase ni Jeleen Cubillas.

Read: Jason Hernandez announces split with wife Moira dela Torre: "I have been unfaithful to her."

Mula sa political joke na "Tyrannosaurus Rex. Jr." ay nag-segue ang 31-year-old comedienne sa Religion.

Read: Stand-up comedienne Jeleen Cubillas becomes viral over "Tyrannosaurus Rex Jr." joke

Banat ni Jeleen, "Nalulungkot ako kapag may mga religious couples na naghiwalay. Naalala ko last year si Moira tsaka si Jason. Nabalitaan niyo ba yun?

"I was so affected. Kasi, born-again ako, e. Tapos sila, they met in church, ganyan.

"Despite everything, despite being best friends, naghiwalay pa rin sila. It’s so sad.

"Alam niyo kung ano ang naging mali sa relationship nila? Masyado silang maagang nag-Christian.

"Dapat kasi, ginagawa yun… after niyo na magka-sex scandal.

"Yeah, tingnan nyo si Hayden Kho, di ba? Nagku-quote na ng Bible verses, ganyan. ‘Man of God’ na ngayon.

"He did it the right way…"

Mahigit 2.1M views na ang nasabing video clip (4 minutes and 25 seconds) na pinost ni Red Ollero noong Mayo 17, Miyerkules sa Facebook.

COMEDY MANILA

Kabilang si Jeleen sa grupong Comedy Manila na may 40+ members. Sila mismo ang bumubuo ng kani-kanyang materyal sa pagpapatawa.

"We write our own material. We bounce among each other para puwedeng mag-suggest iyong iba," lahad ni Jeleen sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong Mayo 24, 2023, Miyerkules, sa La Collina bar, Brgy. Poblacion, Makati City.

"Na, ‘O, mas nakakatawa pag ganito.’ Pero yung material namin, kami talaga yung nag-conceptualize."

Sa dami ng comedians ngayon, mahirap para sa iba ang umangat.

"Actually, yung group namin is very supportive. Kasi parang pinaka-godfather ang tawag namin sa kanya is si GB Labrador," pagmamatuwid ni Jeleen.

"Finoster po niya talaga yung parang atmosphere na rooting for each other. Kasi kumbaga yung observational stand-up comedy sa Pilipinas, bago pa lang siya na concept.

"Hindi pa siya ganun kalaki unlike sa United States na talagang gets kaagad ng tao pag sinabing stand-up comedian."

Sa Comedy Manila, ilan ang girl, boy, bakla at tomboy?

"Roughly lima lang kaming babae. Yung isa is lesbian, bisexual. And then dalawang gays. The rest, straight guys."

Karamihan sa kilalang comedians na nagse-set sa comedy bars ay mga bading na sing-and-dance. Ibang brand ng comedy ang isinusulong ng Comedy Manila?

"Mas parang yung sa U.S. nga po," sambit ni Jeleen.

COMPETITION

May competition ba sa klase ng comedy nila versus sa mga bading ng comedy bars? O magkaiba sila ng market?

"Parang kami, parang… we’re introducing a different type of stand-up comedy. Hindi siya totally magko-compete," pananalig ni Jeleen.

"Kasi parang iba rin yung magiging audience, ganyan. Or puwedeng same audience pero bawat tao mag-iiba yung preference niya for ano, e.

"So, yung iba, mas magugustuhan nilang pumunta sa comedy bars. Tapos yung iba naman, mas trip yung observational.

"So, sa akin, ha, parang ang ano ko dito… it’s about finding your audience, reaching the people that will appreciate your humor, not about being the biggest person in the space, ganun."

Sa mga local comedian na nasa mainstream, sino ang ina-idolize nila? Iyong huwaran, o nais sundan ang mga yapak.

Nag-isip sandali si Jeleen, "Sa stand-up talaga, siguro ang pinaka-mainstream… si Alex Calleja, di ba?

"So, siya po ang pinakaano talaga, naka-crossover, kumbaga, sa show business."

DEPRESSION

Politics, Religion, at Sex ang mga delikadong paksa na tinutumbok at dinadalirot ni Jeleen sa kanyang comedy routine.

Pero sa paglaganap ng pandemya, naiba ang gawi at pananaw ng mga tao sa sex. Nag-iba ang scenario.

"Mas naging open sila," pagtango ni Jeleen.

"Mas lumawak ang pananaw natin na parang… mas accepting na ngayon, mas sex-positive na, lalo na yung younger generation."

Na-incorporate ni Jeleen sa comedy routine ang mga pinagdaanan niya sa buhay, kagaya ng pagbubuntis niya sa edad 23 na hindi pa siya settled sa buhay.

Pag-ayon ni Jeleen, "Actually maganda nga po siya na… Sabi nga, parang form of therapy din po.

"Kasi yung mga experiences mo, kung ano yung insecurities mo, kung ano yung mga bad experiences mo, usually yun ang rich na source ng jokes, ganun."

Nagka-mental health problem ba siya during pandemic?

Maraming stand-up comedians ang na-depress o nawindang dahil nawalan sila ng trabaho. Pero siya, panahon ng pandemya nag-umpisa ng bagong career bilang stand-up up comedian.

Napangiti si Jeleen, "Well… well… well… Ha! Ha! Ha! Actually… Ha! Ha! Ha! Ha! Yon… meron po talaga akong depression.

"Noon pa po yon. Parang it’s more of ano, e, ahhmm yung sa upbringing, kasi parang medyo strict yung parents ko, ganun.

"Tapos parang achiever ako sa school. Basta, parang burnout! Burnout siya nung time na nagwo-work na ako.

"Parang tuluy-tuloy kasi yung expectations. Tapos napi-feel mo yung pressure to always be… e, wala namang medals sa work.

"So, parang maninibago ka, ganun. And then you get burned out."

Nagtrabaho siya bilang food technologist sa isang kumpanya sa Sucat, Parañaque. Naging challenging ba iyon sa kanya, o routinary? Naging boring?

"Hmmnn… parang… parang more of ano, e. Yung hindi ka nakapag-adjust, ganun," pag-amin ni Jeleen na graduate sa UP Diliman.

"Kasi galing ako sa academe, di ba? So, galing ka sa school, tapos ibang-iba yung laro pagdating sa corporate.

"Ibang-iba yung rules, ganun. Ahh hindi siya yung parang… paano ba? Ahhmm kailangan mo lang mag-deliver kumbaga ng something, ng product.

"Hindi siya yung parang ahhmm kailangan bida-bida ka! Ha! Ha! Ha! Ha! Parang ganun!

"Basta, parang hindi ako naka-adjust. Ibang-iba yung real life. Kasi dati, parang competitive ka, ma-bookish na ano.

"E, dun, parang mas importante yung marunong kang… siyempre, may office politics, ganyan. Dapat marunong kang mag-ano sa boss, ganyan.

"Kailangan pala ng social skills. Ha! Ha! Ha! Ha!"

FLAVORS OF HUMOR

Anong mensahe ang nais niyang ipaabot sa mga humahanga o sumusubaybay sa kanya?

Napahagikgik muli si Jeleen, "Sa akin, ano… ahhmm… Hi! Hi! Hi! Hi! Sa mga humahanga? Hindi ako masyadong hangaan! Huwag akong hangaan. Ha! Ha! Ha! Ha!

"Hindi. Ahhmm sa akin, ano, excited ako lalo na sa mga ngayon lang naka-discover ng stand-up comedy.

"Excited ako na ma-discover nila yung iba’t ibang flavor ng humor ng mga komedyante.

"So, gusto ko sana i-check out nila kung ano yung website ng Comedy Manila. Kasi nandiyan yung mga listahan ng shows.

"Tapos ang ganda talaga ngayon ng comedy scene. Kasi merong lalaki, merong babae, LGBT, merong mga boomers. Merong Gen Z, merong millennials.

"Iba-ibang perspective talaga. And lahat talaga, nakakatawa. Andaming sobrang hard working.

"Andaming veterans siyempre na gusto ko sana, marating nila yung next level. Yung magkaroon na sila ng mga Netflix special, ganyan. Makilala sila ng buong bansa, ganyan. Lumaki pati sila lalo.

"And then yung mga bago, nae-excite din ako sa kanila. Kasi ahhmm ambilis ng progress nila. So andami talagang pagpipilian ngayon.

"So, kung halimbawa na-offend ka sa joke ko — hindi yan yung end. Meron at merong komedyante na magugustuhan mo."

Inaasam din ba niyang mapasok ang mundo ng TV at pelikula?

"Siyempre kung may mag-o-offer, why not?! Ha! Ha! Ha! Ha!" tugon ni Jeleen.

"Sa ngayon, wala pa po. Pero kung ano, sa ngayon… ang focus ko talaga is parang ma-hone pa yung craft ko.

"So, sa ngayon, sa stand-up muna yung focus ko."

2023-05-30T08:07:35Z dg43tfdfdgfd